Pages

Saturday, June 12, 2010

Mapagpalayang Araw ng Kalayaan

Isa sa mga nakakatuwang araw ay ang Araw ng Kalayaan. Dahil bukod sa mga kaliwa’t kanang mga flag raising at mga seremonya ay muling napapakatok sa isipan ng mga Pilipino na Pilipino tayo at may bansa, kasaysayan at kalayaang dapat alalahanin at dapat ipagdiwang. At least, hindi lamang tuwing laban ni Pacquiao tayo napapagbuklod bilang isang bansa. Mas mahalaga na mabuklod ang isipan at damdamin nating mga Pilipino ngayong Araw ng Kalayaan.

Umabot na nga tayo sa ika-isaang daan at labindalawang taon ng pagdiriwang. Isang napakahalagnang araw na hindi natinag ng mga nagsidatingang mga mananakop pagkatapos ng mga Kastila, ng pagkakasangkot sa bangungot ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ng isang mahaba-habang panahon ng diktaturya. Isang pambansang bayani, marami-raming mga bayani ng rebolusyon at digmaan, at isang kasakuluyang henerasyon na tumitingala sa isang magandang bukas sa tulong ng bagong administrasyon. Ilan lamang sa mga sangkap ng bansang Pilipinas at ng ating patuloy na pagdiriwang ng araw ng kalayaan.

Maraming pagkakataon nang naging paksa ang tanong tanong na “Malaya ba talaga tayo ngayon?” Marahil maganda talagang itanong ito sa bawa’t araw, lalu na sa personal na lebel. Pero mas makabubuting ituon natin ang ating mga sarili sa kung ano ang esensya, ang pinaka-laman, ang pinaka-karne ng pagdiriwang ng Junio a-doce. Iyon ay ang paglaya ng bansa, na kalaunan ay nasumpungan ng mga Pilipino nang sila’y naghimagsik laban sa mga mananakop, sa isang mahabang panahon ng pakakailalim sa impluwensya at pamumuno ng mga dayuhan. Napakaraming pagkakataon sa kasaysayan na tinangka itong burahin (at palitan ng petsa), nguni’t nanatili. Marapat lamang na ipagdiwang ito dahil naging hudyat ito na noong mga panahon na iyon, nakilala ng mga Pilipino ang pagka-Pilipino nila – na Pilipino sila – at sila ay may bansang dapat linangin, protektahan, mahalin, at ipagmalaki. Parang isang istroya ng pag-ibig na hindi dapat matuldukan.

Sa kasalukuyan ay napaglaanan ng pamahalaan ng humigit kumulang sampung milyong piso ang pagdiriwang sa araw na ito. Hindi ko masabing labis o tama lang ito, sapagka’t ang pagdiriwang ng kasarinlan ay isang bagay na tila personal na mahirap presyuhan. Pero hiling ko lang (kahit sa susunod na pamahalaan na lang dahil halos tapos na ang termino ng pangulo) na kung pano natin kasiglang laanan ng pondo ang isang araw na pagdiriwang, sana mapaglaanan din natin ang maraming aspeto na tumutungkol sa kasaysayan natin. Ihalimbawa na lang ang pagsalba ng mga makasaysayang mga istruktura o lugar. Nabasa ko ng minsan ang planong paglipat ng lumang bahay (o paggiba rito dati) na may kaugnayan kay Rizal sa Biñan. Sana kahit may nakaumang na malaking hamon na sawatain ang kurapsyon sa gobyerno, mapaglaan pa rin ng sabstansyal na atensyon at pondo ang mga ahensyang pumapatungkol sa kasaysyan. At sana mapansin din ang mga boses ng mga pribadong indibidwal na kadalasang tumatawag ng pansin para sa mga pangangailangang may kaugnayan sa kasaysayan.

Sa panghuli, sana makatulong ang mga malakihang mga pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan natin para maibukas na ang isip ng mga bata ng Pilipino sa murang edad. Ito’y upang sa simula pa lang ay maitanim na sa kanilang kaisipan ang kahalagaan ng pagkakaroon ng pag-unawa sa ating kasaysayan at sa Araw ng Kalayaan na isa sa mga malaking aspeto nito.

Mabuhay ang Pilipinas!

* artikulong matatagpuan sa aking mga blog na Viole(n)t Mugs, Back Trails, at Kamalayan

No comments:

Post a Comment